ANG PAGHUHUKOM AY NAGSISIMULA SA BAHAY NG DIYOS

(JUDGMENT BEGINS IN THE HOUSE OF GOD)

Karapatang-Kopya 2010 mula sa Trumpet Ministries Inc
Lahat ng Karapatan ay Nakalaan
Tagalog/ English Old Version Bible Diglot TAG/KJV 055
Isinalin sa Wikang Pilipino ni Jasmine R. Esguerra

Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos:at kung mauna sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi nagsisitalima sa ebanghelyo ng Diyos? (1 Pedro 4:17)

Pasimula sa bersikolo at mga bersikolo na nakapalibot dito ay may mga mahalagang bagay tayong natututunan tungkol sa Banal ng Paghuhukom ng Diyos.

Natutunan nating ang Banal na Paghuhukom ay kumikilos na simula na ang Banal na Ispiritu ay bumaba sa araw ng Pentekoste sa mga mananampalataya na hugis dilang apoy.Ang mga santo ay dapat mabinyagan ng Banal na Ispiritu at ganoon din ng Banal na Paghuhukom.

Natutunan nating ang Banal na Paghuhukom ay dumarating una sa mga hinirang at pagkatapos ay sa mundo.

Natutunan nating ang Banal na Paghuhukom ay dumarating sa mga hinirang sa kaparaanang pagpaparusa sa ating mga laman.

Natutunan nating ang Banal na Paghuhukom ay napakahirap na maski ang mga matuwid ay bahagyang maliligtas. (1 Pedro 4:18)
Upang tayo’y maligtas kailangan nating manatili ang ating pagtitiwala sa ating Tagapagligtas na si HesuKristo hanggang ating matapos ang ating mga pagsubok at paghihrap.Kailangan nating pagsumikapan ang ating kaligtasan ng may takot at panginginig. (Filipos 2:12)

May mahalagang pagkakaiba ang paghuhukom at pagkokondena.

Ang paghuhukom ay ang paghihiwalay ng mabuti sa masama.

Ang pagkokondena ay ang kabigatan ng kasalanan, at ang hindi pag sang-ayon ng Panginoon sa mga tao,kabilang ang mga mananampalataya, na patuloy na hindi sumusunod sa mga patakaran ng Diyos o sa lantad na kalooban Niya.

Walang pagkokondena sa mga taong patuloy na nananatili Sa Panginoong Hesus. Pero napakarami pa ring mga Kristiyano ang hindi nananatili sa Panginoong Hesus. Alam nila (o nagdududang alam nila) ang kalooban ng Diyos ngunit hindi pa rin sila sumusunod. Sila ay kinokondena ng Diyos dahil sila ay gumagawa ng kasamaan sa paninigin ng Panginoon. (Roma 2:8; 14:23; James 4:17)

Ang susunod na sipi mula sa ebanghelyo ni Juan ay nagtulak sa napakaraming mananamapalataya na maniwalang dadalhin sila ng Diyos sa paraiso kahit anupaman ang kanilang asal.

Katotohanan,katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang dumirinig ng aking salita, at sumasamapalataya sa Kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan. (Juan 5:24)

Hindi mahirap intindihin kung paanong ang bagong mananamapalataya ay magkamali ng pagkakaintindi dito at isiping ang mga Kristiyano ay hindi hahatulan at gagantimpalaan batay sa kanilang mga asal at gawa kagaya ng lahat ng miyembro ng sangkatauhan. Ngunit ang ikaapat ng kapitulo ng 1 Pedro ay pumipigil sa ganitong pasiya. Kailangan muna nating suriing mabuti ang salita ng Panginoon at bigyang kahulugan mula sa mga kasulatan ng mga Apostol.

Mayroon pagkokondenang nakalapat sa buong mundo. Ang mga bayan, mga buhay at mga patay, ay naghihintay sa Araw ng Paghuhukom.

Ano nga? tayo baga’y mas lalong mabuti kay sa kanila? Hindi sa anomang paraan:sapagkat ating kapuwa isinasakdal muna ang mga Hudyo at ang mga Griego na silang lahat ay nangasa ilalim ng kasalanan. (Romans 3:9)
Na sila’y magbibigay sulit sa Kanya na handang humukom sa mga buhay at patay. (1 Pedro 4:5)

Ang Araw ng Paghuhukom ay nagsimula sa pagdating ng Mesiya. Ito’y nagsimula sa mga taong pinili Niyang maging mga buhay na ispiritwal sa Kanyang Araw.

Ang Panginoong Hesus ay lumakad sa gitna ng mga Israelita. Sa masang ito ay namili Siya ng ilan na lumipat mula sa kamatayan papunta sa buhay.

Sapagka’t kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila’y binubuhay,gayon din naman binubuhay ng Anak ang Kanyang mga ibigin. (John 5:21)

Nangusap si Hesus sa mga hinirang:“Kung diringgin ninyo ang Aking salita at manamapalataya sa Diyos, kayo ay hindi daraan sa paghuhukom bagkus ay lilipat mula sa kamatayan papunta sa buhay.”

Ang kamatayan at buhay ay manggagaling lamang sa paghuhukom.

Sinasabi ni Hesus, “Kung ilalagay niyo ang inyong sarili sa Aking mga kamay, Ako ang bahala sa kabigatan ng inyong kasalanan (na napangyari sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus, sa pamamagitan ng dugo ng pagtutubos). Sa pagtanggap ninyo sa Akin ay napasainyo ang pagkabuhay mula sa mga patay at ang Buhay. Kayo ngayon ay buhay na magpakailan pa man. Hindi ninyo na kailangang magtrabaho para sa inyong kaligtasan. Andito Ako. Ako ang inyong kaligtasan.

Ang ibig ba nitong sabihin ay tapos na ang trabaho at tayo na lamang ay naghihintay na pumunta sa langit at manahan doon habambuhay? Hindi! Hindi ito ang sinabi ni Hesus; hindi ito ang ibig Niyang sabihin.

Hindi natin kailangang magpagal upang makamit ang ating kaligtasan ngunit kailangan nating pagsumikapang hindi mawala sa atin ito!

Kaya nga mga minamahal ko, kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, bagkus pa ngayong ako’y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong pagkaligtas na may takot at panginginig. (Philippians 2:12)

Hindi pinaguusapan ang langit dito.

Ang usapin dito’y patungkol sa walang hanggang kamatayan taliwas sa walang hanggang buhay.

Sa mga tumanggap sa Kanya na puno ng katapatan ng pananampalataya, Kanyang tinanggal ang pagkokondenang nakalaan para sa buong mundo. Sa paraang ito, ginawa ng Panginoong Hesus ang Punong Hukom, ang panimulang paghuhusga sa mga taong tumanggap sa Kanya. Hinusgahan Niya sila bilang karapat dapat sa walang hanggang buhay at ibinigay Niya ito sa kanila.

Pagkatapos nito ay ano ang mangyayari? Hanggang sa kahuli hulihan ng kanilang buhay ay kumikilos sa kanilang mga hinirang ang Panginoong Hesus, sila ay pinarurusahan (madalas na sobra) paminsan-minsan. Hindi sila malayang gawin ang anuman nilang maibigang gawin lamang. Sila ay itinuturing Ng Panginoon na Kanyang pag aari lamang. Hinuhusgahan Niya ang kanilang mga gawa’t asal palagi, patuloy silang sinusubok at pinaparusahan upang sila ay hindi mahulog sa kondenang nakalaan sa mundo.

Sapagka’t pinarurusahan ng Panginoon ang Kanyang mga iniibig at hinahampas ang bawa’t tinatanggap na anak. (Hebreo 12:6)
Ang lahat Kong iniibig at sinasaway kot pinarurusahan:ikaw ngay magsikap at magsisi. (Apocalipsis 3:19)

Hindi ang kabigatan ng kanilang kasalanan ang usapin dito sapagkat ito ay natanggal na sa pamamagitan ng krus habambuhay. Ngunit ang likas na pagiging makasalanan ng mananampalataya ang hinuhusgahan ng Diyos rito. Ang mga hinirang ay naghihirap upang ang kanilang likas na pagiging makasalanan ay maitaboy nang papalayo sa kanila. Habang sila’y naghihirap ay patuloy na rin silang natututong lumakad sa matuwid at tahimik na kaparaan ng Panginoon.

Kung paano ngang si Kristo ay nagbata sa laman, ay magsandata rin naman kayo ng gayong pag iisip; sapagka’t siya na nagbata sa laman ay nagpapatigil sa kasalanan; upang huwag na kayong mangabuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa masamang pita ng mga tao, kundi sa kalooban ng Diyos. (1 Pedro 4:1-2)

Ito ba ay naging totoo sa iyo o kahit kailan ay di ka naparusahan ng Panginoon? O inaakala mo bang ang kalaban ang siyang may gawa ng lahat ng iyong pagihihirap?

Ito ay hindi si Satanas. Hindi siya lumitaw sa ikaapat ng kapitulo ng 1 Pedro liban bilang isang instrumento lamang ng Panginoon upang maisakatuparan ng kalooban ng Diyos para sa Kanyang mga hinirang. Ang ating mga maningas na pagsubok, gaya ng paliwanag ni Pedro, ay ang paghuhusga ng Diyos sa atin. Hindi sila kapahayagan ng pagkokondena o kaparusahan para sa ating mga kasalanan. Hindi sila kapahayagan ng Banal na Kapootan kundi Banal na Paghuhukom.

Ano pa’t kami sa aming mga sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag uusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis; na isang tandang hayag ng matuwid na paghukom ng Diyos; upang kayo’y ariing karapatdapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito’y nagbabata rin naman kayo. (11 Tesalonica 1:4-5)

Na isang tandang hayag ng matuwid na paghukom ng Diyos, upang kayo’y ariing karapatdapat sa kaharian ng Diyos. Tayo’y nangagbabata upang tayong makitang karapatdapat sa kaharian ng Diyos.

May pagkakaiba ang Banal na Paghuhukom sa Banal na Kapootan.

Ang Banal na Kapootan ay naninira. Ang Banal na Paghuhukom ay nagdadala sa atin sa pagsisisi.

Ang bawat isang hinirang ay dinadala ng Diyos sa sobrang paghihirap. Ang paghihirap na ito ay ang banal na paghuhusga ng Diyos sa atin upang maihiwalay ang mabuti sa masama sa ating pagkatao. Hindi mo ba napansin na pagkatapos mong maghirap ng ilang panahon ay mas madali na sa iyo ang mamuhay ng tahimik at kuntento sa harap ng Panginoon?

Ang mga matuwid ay maraming dinaraanang paghihirap. Ngunit ang Diyos ay agad silang iniaalis sa kanilang mga paghihirap kapag ang “pilak” (kaligtasan) at “ginto” (Kabanalan) sa kanila ay naging dalisay na ayon sa Kanyang pamantayan.

Ang bawa’t Kristiyano ay bibinyagan ng Banal na Ispiritu at ng apoy ng paghuhusga ng Diyos.

Nasa kanyang kamay ang kanyang kalaykay,at lilinisin nyang lubos ang kanyang giikan; at titipunin nya ang kanyang trigo sa bangan, datapuwa’t ang dayami ay susunugin sa apoy na hindi mapapatay. (Mateo 3:12)

Kapareho ito ng bersikulo ng 1 Pedro 4:17.

Nasa napakong kamay ng Mesiya ang kanyang kalaykay. Lilinisan Nya ng maigi ang kanyang giikan-ang Kanyang mga hinirang. Ang mga papayag na sila’y ligligin ng Panginoon ay maliligtas (ang sinumang tatagal hanggang sa huli ay maliligtas). Pero para sa mga mapapatunayang hindi karapatdapat sa Kaharian ng Diyos, ayon sa pamantayan ng Banal Na Paghuhukom, ay maitatapon sa walang kamatayang apoy.

Ang Banal na Paghuhukom ay isang mabuting bagay, isang biyaya, isang gawa ng grasya ng Diyos sa ating buhay.

Pansinin natin ang asal ni Haring David sa Banal na Paghuhukom. Ito ang dapat na huwarang asal ng bawat isang hinirang sa luma o bagong tipan:

Siyasatin mo ako, oh Diyos, at alamin mo ang aking puso; subukin mo ako, at alamin mo ang aking mga pagiisip; at tingnan mo kung may anomang lakad ng kasamaan sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan. (Awit 139:23-24)

Hinihiling ni David na siya’y husgahan ng Panginoon. Ito ay isang panalangin ng karunungan.

Tuwing ang Mesiya ay lumalapit sa Kanyang mga hinirang, hinuhusgahan Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang nag aapoy na mga mata.

Ngunit sino ang makakatahan sa araw ng Kanyang pagparito? At sino ang tatayo pagka Siya’y papakita?sapagka’t Siya’y parang apoy na mangdadalisay, at parang sabon ng mga tagapagpaputi. (Malakias 3:2)

Ipinagdidiinan ng Malakias 3:2 ang katotohanan na dapat na pagtuunang pansin ng mga Kristiyano ngayon. Maraming Kristiyanong mananampalataya ang hindi handang harapin ang Mesiya.

Dahil sa maling interpretasyon ng salitang “grasya”, dahil sa maling interpretasyon ng tinaguriang “ang matuwid ay mamumuhay ayon sa kanyang pananampalataya”, at dahil sa haka hakang katuruan ng tinatawag na “biglang pag-agaw sa mga hinirang mula sa mundo bago dumating ang matinding kapighatian (pretribulation rapture)”, maraming mananampalataya ang kaaba abang hindi handang humarap sa Mesiya.

Ang mga iglesya ng mga Kristiyano ngayon ay may pakiramdam, pagsasangayon, haka-haka sa kung ano si Hesus, kung ano ang Kanyang mga hinihingi, kung ano ang mga kabilang sa Kanyang plano sa kaligtasan. Pagkatapos ng kuwarenta’y singko taon bilang isang ebanghelikal na mananampalataya, tayo ay nakarating sa konklusyon na itong “pakiramdam” at mga haka-haka patungkol sa Mabuting Balita ay puno ng pandaraya.

Dahil sa “pakiramdam” ng kung ano ang kaligtasan ng mga mananampalataya, isang pakiramdam na ang kasama’y ang “manampalataya ka lamang” at “kisap-matang pag-agaw (RAPTURE)” na katuruan, maraming mga Kristiyano ang naging katawa-tawa at patuloy na lamang na nag aakala. Para silang mga batang may mga malagkit na minatamis na nakapahid sa kanilang mga pagmumukha.

Paanong maikukumpara ang ating mga isip-batang mga mananampalataya kina Abraham, Job, Daniel, Jeremias? Paanong ang kanilang isip-batang paniniwala patungkol sa “grasya” ay maipagmamalaki kina Moses, Elias, o Apostol Pablo? Ngunit sya na pinakaaba sa Kaharian ng Diyos ay mas mataas pa kaysa sa mga propeta. Siya ay mas mataas pa sapagka’t ang Mesiya ay nabuo sa kanya bilang resulta ng kanyang pagpapapako rin sa krus at isang paglakad sa buhay na may matiyagang pagpapasan ng sariling krus.

Tayo ay wala sa tamang daan ngayon. Tayo’y nadadaya. Hindi natin naiintindihan ang bagong tipan. Ito ang tamang panahon para kumilos ang Diyos upang dalhin Niya sa Kanyang maapoy na paghuhusga ag kanyang kawan. Kung ito’y hindi Niya gagawin, maraming mananampalataya ang tunay na hindi handa sa pagdating ng Mesiya.

Si Hesus na Mesiya ay isang magdadalisay na apoy. Sya ay isang napakatapang na sabon.

At Siya’y mauupong gaya ng mangingintab at mangdadalisay ng pilak, at Kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at Kanyang pakikinising parang ginto at pilak; at sila’y mangaghahandog sa Panginoon ng mga handog ng katuwiran. (Malakias 3:3)

Tuwing tayo’y tinatanggap ng Mesiya, Kanyang hinuhugasan ang kasuotan ng ating pag uugali. Hindi Niya tayo pinapatawad lamang. Hinuhugasan Niya ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng mga maapoy na paghihirap.

Ang pagtutubos ay hindi limitado sa pagpapakita lamang ng pagpapatawad ng Diyos sa makasalanan. Masyado nating naipagdiinan ang aspeto ng pagpapatawad lamang sa programa ng pagtutubos. Ngunit ang bagong tipan ay higit sa lahat ay ang paglalagay ng batas ng Diyos sa ating mga isipan at puso. (Hebreo 8:10)

Ang Diyos ay nasa proseso ng pagtatatag ng ng katuwiran at pagpupuri sa mundo. Tayo ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang grasya upang tayo ay umasta ng matuwid sa Kanyang harapan at maging sa harap ng Kanyang mga nilikha.

Sapagka’t tayo’y Kanyang gawa, na nilalang kay Kristo Hesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Diyos nang una upang siya nating lakaran. (Efeso 2:10)
Ang Banal na Grasya ay maraming natutupad bukod sa pagpapatawad lamang ng ating mga kasalanan. Ito ay nagtatagumpay upang tayo ay maihubog sa wangis ng Mesiya at tayo rin ay maidala sa matiwasay na pakikiisa sa Ama sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Ang ating pagkakawangis sa Mesiya ang ating mithiin ng ating pagiging mga tinawag. (Roma 8:28-29)

Hindi nawawalay ang ating mga paningin sa kahabagan ng Diyos o maging sa Kanyang walang hanggang pag-ibig. Bagkus, tayo’y nagpapasalamat sa Kanyang kahabagan. At ating naipapakita ang ating pagpapasalamat sa Kanyang grasya sa pamamagitan ng ating pagsulong sa Kanyang Ispiritu papunta sa ganap na pagtatagumpay laban sa mundo, ke Satanas, at sa atin mismong pagiging makasalanan at mapaghanap para sa ating mga sariling luho.

Ang pagiging apoy ni Hesus na ating Mesiya ay nagdadalisay ng “pilak” (kaligtasan) ng ating pagkatao. Ito rin ay nagdadalisay ng “ginto” (kawangis ng pagkatao ng Diyos) na inilagay mismo ng Diyos sa ating pagkatao. Ang “kahoy” sa bibliya ay sumasagisag sa pagiging laman at dugo ng ating pagiging tao.Ang kaharian ng Diyos ay hindi patungkol sa laman at dugo ng ating pagiging tao (kahoy). Ang kaharian ng Diyos ay ang pilak at ginto na nagmumula sa langit. Ang mga ito pagkatapos na maibigay sa atin ay pinapakinang sa pamamagitan ng apoy ng paghuhukom.

Bilang mga batang Kristiyano,ating inaawit at sinasabi ang ating pananampalataya. Ngunit habang tayo ay tumatanda na sa ating pananampalataya, tayo ay nasusubok at nahahasa hanggang ito ay maging puro’t dalisay. Tayo’y nagsasabing ang Mesiya ay Siyang magbibigay ng ating lahat na pangangailangan. Ito’y ating pinaniniwalaan. Ngunit isang araw ang ating paniniwalang ito ay masusubok sa apoy. Dito lamang magiging ganap na dalisay ang pananampalatayang ito na siya ring matatanggap ng Diyos.

Ang Panginoon na ating hinahanap ngayon ay paparating na. Ang Kanyang kalaykay ay hawak Niya. Binibinyagan Niya ng apoy ang Kanyang mga pinipili. Ang pagbibinyag na ito’y hindi kaibig ibig ngunit ito ang sya ring magdadala sa atin sa mapayapang bunga ng katuwiran. Ito rin ang magdadala sa atin sa ating pagkakakilala sa Diyos bilang ating Ama. Pagkatapos na tayo ay masubok at maging dalisay, tayo ay magiging purong ginto. Ang mga bagay lamang sa atin na matutupok ng apoy ang matutupok kagaya ng kaso nina Shadrach, Meshach at Abednego. (Daniel 3:25)

Sa lahat ng mga bagay na kailangan ng Iglesya ng Kristiyano sa panahon ngayon, maaring ang pinakamalaki’t pinakamahalaga ay ang Dakilang Paghuhukom. Kung ang Diyos ay makakakita lamang ng isang tao na maghihiwalay sa mahalaga sa walang halaga, sa matuwid sa hindi matuwid, na syang tatayo at mangangalandakan ng mga matuwid na kalakaran ng Panginoon ngayon, maaring ang Diyos ay mahabag sa ating bayan at hindi Niya ito lipulin.

Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon, kung ikaw ay magbabalikloob, papanauliin nga kita upang ikaw ay makatayo sa harap ko; at kung iyong ihiwalay ang may halaga sa walang halaga, ikaw ay magiging parang aking bibig:sila ay manunumbalik sa iyo, ngunit hindi ka manunumbalik sa kanila. (Jeremias 15:19)

Kung sinuman ang tatayo at magsasabi sa mga hinirang ng Diyos ang kanilang mga kasalanan, siya ay bibiyayaan ng Diyos maging ang kanyang mga tagapakinig. Ngunit ang propetang ito ay inuusig ng todo ng mga taong kumakamal ng pera galing sa iglesya; mga taong magaling magsalita, mga nagbibitaw ng mga kaibig ibig na mga pangako upang sila ay makakuha ng mas maraming tagasunod. Ngunit ang Panginoong Diyos ay patuloy na nagpapalakas at nag iingat sa Kanyang mga propeta kahit ang lahat ng mga tao pa’y mapahamak.

At gagawin kita sa bayang ito na tansong kuta na sanggalangan; at sila’y magsisipaglaban sa iyo,ngunit hindi sila magsisipanaig sa laban sa iyo; sapagkat Ako’y sumasaiyo upang iligtas kita at upang papaging layain Kita,sabi ng Panginoon. (Jeremias 15:20)

Ang isang tao ay mas magiging mas makapangyarihan kaysa sa isang bayan kung siya ay tatayo kasama ang Panginoon at ipaliwanag sa mga hinirang ng Diyos ang pagkakaiba ng banal sa hindi banal, matuwid sa hindi matuwid.

Ang Araw ay darating na maraming mananampalataya ay tatakas sa sobrang takot sa Diyos. Malalaman nilang hindi Siya nagsasayaw sa kanilang mga tugtugin at mga gawaing pang simbahan.

Ang mga makasalanan sa Sion ay nangatatakot; nanginginig ang mga masasama. Sino sa atin ang tatahan sa mamumugnaw na apoy? Sino sa atin ang tatahan sa walang hanggang ningas? (Isaias 33:14)

Ilan sa atin ang handang makasama habambuhay ang Panginoon? Tayo ba’y nakakasiguro na nais nating maging malapit kay Hesus? gusto ba nating maging tunay na malapit sa Kanya ngayon?

Sino ang tatahan sa Kanyang nagniningas sa Presensya?Ang sagot ay hindi nagbabago simula sa panahon ni Adan at Eba hanggang ngayon. Ang habambuhay ng moral na panuntunan ng Diyos ay hindi nagbabago magpakailanman.

Hindi nagbabago ang Diyos. Ang ‘” grasya “ay hindi upang ang kasalanan at pagrerebelde ay tatahan sa Presensya ng Mamumugnaw na Apoy ng Israel at pagkatapos ay hindi sila paghukuman sa kung sino sila at kung ano ang kanilang mga ginagawa. Ang banal na grasya na kumikilos sa pamamagitan ng ating pananampalataya ay ang kaparaanan upang ang mga makasalanan at rebelde ay mabago at maihubog sa katuwiran, kabanalan, at dagling pagtalima sa Panginoon, upang sila ay mabuhay at kumilos at manahan sa Banal na Apoy.

Siya na makakatayo sa Presensya ng Diyos ay palaging:

Syang lumalakad ng matuwid, at nagsasalita ng matuwid; syang humahamak ng pakinabang sa mga kapighatian, na iniuurong ang kanyang mga kamay sa paghawak ng mga suhol, na nagtatakip ng kanyang mga tainga ng pandinig ng tungkol sa dugo, at ipinipikit ang kaniyan mga mata sa pagtingin sa kasamaan; (Isaias 33:15)

Ang taong matuwid, na nagsasabi ng totoo, na hindi nang aabuso sa mga mahihina, na hindi nakikinig sa mga tsismis, na hindi natutuwa sa kasamaan-Siya ang taong tinatanggap ng Diyos. Kung tayo ay sumusunod kay Hesus ng buong puso, tayo ay hinuhubog Niya na maging matuwid na tao. Ang pagiging ganitong matuwid ay ang marka ng bagong nilikha. “Ngayon ay tunay na tayong handang makasama ang Panginoon habambuhay.”

Pero ang tao, Kristiyano man o hindi, na gumagawa ng kasamaan, nagsisinungaling (tunay ngang maraming mga Kristiyano ang gumagawa nito), nang aabuso ng mga mahihina at mahirap, nag iisip kung paano bigyang kaluguran ang mga mayayaman at maimpluwensya-ang taong ito ay nananahan sa galit ng Diyos. siya ay kaaway ng Diyos.

Maaari niyang sabihin na siya ay Kristiyano. Maari siyang sumali sa isang iglesya na nakatuon ang inspirasyon sa ng bibliya. Maaring tama siya sa paniniwala niya sa doktrina ng kanyang iglesya. Maaari niyang ipagsigawan sa tuktok ng bahay nya ang patungkol sa “grasya “. Ngunit siya ay makasalanan. Siya ay nasa Banal na pagkokondena dahil sa kanyang masasamang gawa. Mas malalim na pagkokondena ang kanyang hinaharap kaysa sa taong kailanma’y hindi nakarinig ng salita ng Diyos.

Ang mga Kristiyanong mangangaral ay maaaring itanggi ang mga katuruan na nabanggit ngunit sila mismo ay bulag sa katotohanan. Ang mga iglesya ay nasisira sa aspeto ng pagiging moral at ispiritwal dahil sa mga kamangmangan ng kanilang mga mangangaral patungkol sa mga katutruan ni Apostol Pablo sa ibig sabihin ng grasya ng Diyos.

Kung ano tayo at kung ano ang ating mga ginagawa,hindi ang kung ano ang ating pinaniniwalaan o ating mga sinasabi patungkol dito ang unang pinahahalagahan ng Diyos. Ang tunay na pagtanggap sa Panginoong Hesus na Mesiya ay gagawa ng pagbabago sa personalidad ng tao. Tayo ay nababago sa ating pagkatao at mga gawa.

Hindi natin makikita o makakasalamuha ang Panginoon hanggang tayo ay maging banal. Ang mga tao lamang na dalisay ang puso ang makakakita sa Diyos at hindi ang mga taong “nailigtas lamang ng grasya.”

Si Hesus na Mesiya ay habambuhay na nagtuturo na tayo ay maging banal sapagka’t Siya ay banal, na tayo ay maging dalisay sapagka’t Siya ay dalisay. Tayo ay lagi Niyang iginigiya sa daan ng katuwiran, kabanalan, matamang pagsunod sa Diyos. Kung ito’y ating matutunan mula sa Mesiya tayo ay pumapasok sa walang hanggang buhay sa Presensya ng Dakilang Diyos. Ang katuwiran at kabanalan ng Diyos ay ang mga senyales ng buhay na walang hanggan at ito mismo ay buhay na walang hanggan! Kung hindi natin natututunan ang mga bagay na ito, kung tayo ay hindi namumunga ng katuwiran at kabanalan, tayo ay napuputol sa Puno ng Ubas, sa Mesiya.

Ang Diyos ay hindi nakapiring ang mga mata sa mga gawi ng Kanyang mga hinirang. Hindi Niya tinatakpan ang ating mga kasalanan ng dugo ni Hesus upang ang Panginoong Hesus ay magkaroon ng pagkakataon na tayo ay dalhin Niya sa pagsisisi at tayo’y ganap Niyang mabago. Ngunit ang Banal na pagpapatawad ay higit pa sa pagtatakip lamang. Ito ay ang kaligtasan natin sa ating pagkatao at mga gawa hanggang tayo ay maging karapat dapat sa harapan ng ating Diyos.

Ang kaligtasan ay hindi limitado sa pagpapatawad lamang. Kasama nito ang pagbabago natin. Ang kaligtasan ay ang ating pag-alis mula sa katauhan at mga gawa ni Satanas at ang ating pagpasok sa moral na wangis at Pagkatao ng Mesiya Hesus. Ang kapatawaran ay pagpapaunlak para makapasok tayo sa kaligtasan.

Ang mga taong naliligaw ng landas ay hindi lamang nawalan ng karapatang makapasok sa langit. Ang tunay na nakakapangilabot ay ang nawalan sila ng pagkakataon na maging makalangit. Ang mga taong hindi nabago ay manginginig sa takot kapag sila ay pinilit na maihayag sa sa Kadakilaan ng Diyos ng Langit. Ang mawala ay hindi higit sa lahat ang matanggihang makapasok sa langit kundi ang mawala sa programa ng kaligtasan ng Diyos. Ang mawala ay mawala mismo sa Diyos!

Ang mga binabanal ng Diyos ay hinuhusgahan ng higit kaysa sa mga ibang tao sa mundo. Ang Jerusalem ay palaging mas mabigat ang mga parusa ng Diyos sa kanyang mga kasalanan.

Mangagsalita kayong may pagaliw sa Jerusalem; at sigawan niyo siya, na ang kanyang pakikipagdigma ay naganap, na ang kanyang kasamaan ay ipinatawad, sapagka’t siya ay tumanggap sa Panginoon ng ibayong ukol sa kaniyang lahat na kasalanan (Isaias 40:2).
Ang grasya ng Kristiyanismo ay hindi kaparaanan upang ang mapagrebelde at makamundong tao ay makalakad ng kaakbay ang Diyos (maliban na ang taong yaon ay lumalakad sa liwanag na kanyang tinanggap). “Kung tayo (na mga Kristiyano) ay nagsasabing tayo’y may pakikisama sa Kaniya at nagsisilakad tayo sa kadiliman, ay nangagbubulaan tayo, at hindi tayo nagsisigawa ng katotohanan.” (1 Juan 1:6)

Ang grasya ng Kristiyanismo ay hindi ang banal na dahilan ng makademonyong gawi. Kaya nga’t ang mga hinirang ay hinuhusgahan na ngayon-ang paghuhusga ay ang paghahanda ng ating buhay kasama ang Diyos.

Ano ang mangyayari sa taong lumalakad sa katuwiran sa harap ng Diyos?

Siya ay mananahan sa kaitaas taasan sa Mesiya sa kanang kamay ng Diyos.

Ang tao na nabago sa pagkatao’t mga gawa niya, sa katotohanang ang Mesiya Hesus ay pumapasok sa kanya,ay di matitinag. Siya ay tatayo sa anumang mga pagsalakay, sa bawat pagyanig.Ang Diyos ay kasama niya sapagka’t kay Mesiya Hesus siya ay namumuhay ayon sa tunay na kagustuhan ng Diyos na ipamuhay ng tao. Nakikinig ang Diyos sa mga taong ginagawa ang Kanyang kalooban, ang mga taong nagsisilbi sa Kanya.

At ang nagsugo sa Akin ay sumasa akin; hindi Niya Ako binayaang nagiisa; sapagkat ginagawa ko lagi ang mga bagay na sa Kaniya’y nakalulugod. (Juan 8:29)
Kung ang Diyos Ama ay lumakad ng may pakikiisa sa Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus na Panginoon ayon sa kanyang patuloy na pagtalima sa Kanya, gaano pa kayang mas lalo tayong magpunyagi upang bigyang kaluguran ang Panginoon? Kung ang relasyon ng Mesiya sa Kanyang Ama ay nakasalalay sa Kanyang ganap na pagsunod sa Kanya, tayo ba na puno ng mga minanang kasalanan at mga kasalanang tayo na mismo ang may gawa, ay umastang kung sino lamang dahil sa kabutihan ng Diyos? Tayo ba na mga nakakilala ng liwanag ng Ebanghelyo ng Kaharian ng Diyos, ay hindi parurusahan ng husto hanggang tayo ay marapat nang hindi makondena kasama ng buong mundo? (1 Corinto 11:32)

Ang taong matuwid ay pakakainin sa panahon ng tagtuyot. Siya at maging ang kanyang mga anak ay hindi mangangailangang mamalimos ng tinapay. Ito ang pangako ng Diyos sa mga matuwid (Mga Awit 37:25).
Siya’y tatahan sa mataas, ang kaniyang dakong sanggalangan ay ang mga katibayan na malalaking bato; ang kanyang tinapay ay mabibigay sa kanya; ang kanyang tubig ay sagana. (Isaias 33:16)
Kaya’t kayo’y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan. (Isaias 12:3)

Ngunit ang mga masasama ay kailanma’y hindi makakaigib ng tubig ng buhay na walang hanggan.

Sapagka’t kayo’y magiging parang encina na ang dahon ay mga nalalanta, at parang halamanan na walang tubig. (Isaias 1:30)

Ang mga biyaya ng Diyos ay hindi dumadaloy galing sa isang liblib na teolohiyang “pananampalataya”.Bagkus ito ay dala ng matuwid na tao na nanggagaling sa kanyang pagiging mapagtalima at pananampalatayang nagbabago sa tao-isang pananampalatayang mahigpit na humahawak sa Diyos at lumalakad nang walang humpay sa Kanyang Presensya; isang pananamapalatayang patuloy na tumatanaw sa Diyos ng may pag-asa at pagtitiwala patungkol sa lahat ng aspeto ng kanyang pagkatao at mga gawa. Ang pananampalatayang hindi nagbubunga ng katuwiran ay patay. Ang mga matuwid na gawa ay ang buhay ng pananampalataya at nagpapahayag ng katotohanan ng pananampalataya. Ang pananampalatayang nakahiwalay sa kabanalan at mga gawa ng katuwiran ay ang “pananampalataya “ng mga demonyo.

Ang kasulatan ay nagsasabing biniyayayaan ng Diyos si Enoch, Noah, Abraham, at Daniel ayon sa kanilang pananampalataya. Si Enoch ba’y bibiyayaan ng Diyos kung siya’y isang sinungaling o magnanakaw? Si Abraham kaya’y bibiyayaan ng Diyos kung siya’y namuhay sa pakikiapid? Ang Diyos ay hindi nagsalita tungkol sa pananampalataya ni Noah.Bagkus Kanyang pinansin ang kanyang pagiging matuwid (Genesis 7:1). Si Abraham ba’y nang-api ng mga mahihirap at mga nangangailangan? Si Daniel ba’y isang tsismoso? Pero ang mga taong ito ay ang mga bayani ng “pananampalataya” ng Hebreo Kapitulo 11. Kung sila ay masasamang mga tao, sila’y hindi makikilala sa kanilang pananampalataya.

Ibinigay ng Apostol Pablo ang katuruan ng kaligtasan sa pamamagitan ng grasya sa pamamagitan ng pananamapalataya. Gaano kaya katagal ang naging paglakad niya kasama ang Diyos kung siya’y isang mangdaraya,sinungaling,kumukuha ng suhol, mapakiapid, mapag-imbot, mangkukulam? Si Pablo ay maaaring nasadlak sa kadiliman sa labas imbes na makuha nya ang korona ng buhay gaano man niyang bigkasin ang kanyang pananamapalataya kay Mesiya Hesus. Maaari niyang hindi naabot ang buhay na walang hanggan.

“Sila na mga gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos,” ayon kay Apostol Pablo (Mga Taga Galacia 5:21).
Ang paghuhusga ay laging nagsisimula sa bahay ng Diyos. Atin nang husgahan ang ating mga sariling mga gawi upang tayo’y makasigurado na “hindi natin maiwala ang mga bagay na ating pinagpagalan, kundi upang tanggapin natin ang isang lubos na kagantihan. “ (11 Juan 8)

(“Ang Paghuhukom Ay Nagsisimula Sa Bahay Ng Diyos”, 4256-1)

  • P.O. Box 1522 Escondido, CA 92033 US